"...sa may paanan Niya, nakita ko ang tayog at ningning ng aking mga pangarap. Tama, sa may paanan Niya, doon ako magsisimula..."

Wednesday, July 16, 2008

Imbisibol Monologue


“Minsan naisip ko na umalis na lang dito. Kalimutan nang lahat, lumipad, lumayo…”

-Hallelujah, Bamboo


Perfect! Exactly yan ang gusto kong gawin ngayon. Lumipad, lumayo nang malayong-malayo. Tumakas sa mga responsibilidad sa buhay. Kalimutan ang lahat ng pangit na nangyari sa buhay ko mula sa simula. Ang maging mag-isa pansamantala, manahimik, magkubli sa kawalan, magsulat ng magsulat, mag-yosi ng mag-yosi, at kumain ng kumain! Sana nga lang madaling gawin ang lahat ng ito. Pero hinde! Malabo. Lalo pa ngayon, ang dami kong bayaring bills! Hehehe!


Naisip ko lang, ano kaya mangyayari kung sakali ngayon, bigla akong maglaho na parang bula? (hindi naman yung mamamatay ako, yung maglalaho lang, mawawala, magiging-invisible ba?) Ano kaya ang magiging reaksyong ng mga taong nagmamahal sa akin, kung meron man? Mami-miss kaya ako ng mga so-called friends ko? O nang pamilya ko? Ano kaya ang mga magagandang bagay ang masasabi nila tungkol sa akin? O ang mga masasamang bagay na maipupukol nila sa pagkatao ko? Madami kaya? Kaunti kaya? O baka naman wala? Hahaha! Wala lang, naisip ko lang. Alam kong ito rin ang magiging tanong niyo kung sakali mang kayo ang maglalaho na parang bula.


Lahat naman tayo gustong malaman kung gaano tayo kahalaga para sa mga taong mahal natin eh. Lahat tayo gustong makita kung papaano sila mag-rereact kapag isang araw bigla nalang tayong mawala. Oo, alam ko lahat tayo, kahit isang beses lang sa buhay natin, naisip na din ang mga ganitong bagay.


Pero, wala lang. Sana lang din, ako sa sarili ko, matutunan kong ipakita din sa kanila na mahalaga sila sa akin. *drama na naman! Hehehe! Eto na, sige na, di naman kasi ako showy talaga eh. Tahimik lang ako sa personal. Sa panulat lang ako madaldal. Sa gawa ako magaling. Ang problema lang, hindi ko alam kung nararamdaman ba nila yun. I’m insensitive in a way. Basta alam ko, pagdating sa pamilya ko, magbibigay ako ng pang-grocery, pambayad sa kuryente, tubig, bills, pasalubong. Pag may extrang pera, sige, bibilhan ko ng bagong damit, bagong gamit, minsan syempre dagdag na baon para sa mga kapatid ko. Yun lang. Pero, pagdating sa mga emosyonal at sikolohikal na bagay, hindi talaga ako maka-relate. Hindi ako affectionate na tao eh lalo na pagdating sa kanila. Mas komportable akong kausapin at komprontahin ang mga kaibigan ko. Basta ganun lang ang buhay ko.


Matatawag bang malungkot at madrama yon? Di naman diba? Siguro may mga tao lang talagang ganito. At ako yun. Nakakatuwa sigurong malaman na may mga taong katulad ko rin sa mundo. At least, malalaman kong hindi parin pala ako nag-iisa.



(*bakit ba life story ko bigla ang naisulat ko? Dapat tungkol ito sa isang babaeng malaki ang bunganga eh. Di bale, next post na lang. Abangan nyo. Hahahaha!)


Monday, July 14, 2008

Rain Obsession (Repost, dahil tag-ulan ngayon...)


"Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan."


Ilang oras ko ring hinintay na bumuhos ang ulan ngayong araw. Pero kahit isang patak, walang bumagsak mula sa ulap. Makulimlim ang paligid, malakas ang ihip ng hangin, malamig ang panahon ngunit hindi man lang ako nakaramdam ng pagbuhos ng ulan. Tila dinaya ako ng panahon na sa kabila ng kakapalan ng mga ulap sa himpapawid, hindi lumuha ang langit. Marahil nasanay narin ito sa malusog na pagsikat ng araw tuwing tanghali.


Paborito ko ang tag-ulan. Sa lahat ng panahon na maaaring dumating sa ating mundo, palagi kong ninanais na pumatak ang ulan lalo na kapag sumasapit ang dapit-hapon. Masaya ako kapag umuulan. Nais kong maligo at magtampisaw sa malamig nitong tubig. Nais kong kumawala sa init ng nagdaang araw, isang pagbabanlaw sa lahat ng pagod at hirap mula sa matinding sikat ng haring liwanag. Ibinabalik nito ang aking kabataang araw-araw ay nais kong balikan. Ang ulan para sa akin ay isang katuparan ng pinakaaasam na kahinahunan ng mundong aking ginagalawan. Isang paghuhugas sa mga alinlangang nadarama ko sa kabila ng kabutihang idinudulot sa akin ng buhay.


Inabot ako ng dilim sa pag-asang kahit papano ay magpaparamdam ang ulan. Tumingala ako sa langit, pinakiramdaman ng dalawa kong kamay kung may papatak na tubig mula sa itaas, ngunit sa halip, sumagi sa paningin ko ang nagliliwanag na buwan. Bilog ito. Bilog na bilog. Natatabunan ito kapagdaka ng mumunting ulap na tila nagpapapansin at nagsasabing huwag na akong umasa sa pagpatak ng ulan, sapagkat bukas ay matinding init ang mararanasan ko na naman. Napangiti ako. Napatawa. Bakit ko ba kinakausap ang ulap? Maaawa kaya ito sa akin kapag nakiusap akong sana ay umulan ngayong gabi?


Napatungo akong bigla at nagbuntong-hininga. Nagsindi ng sigarilyo. Hitit sabay buga pampatanggal ng inip na kanina pa sumusukob sa akin. Ilang sandali pa’y naubos ko na ang tangan kong pansunog-baga. Nagmasid akong muli sa tahimik na paligid. Maya-maya pa ay napaling naman ang pansin ko sa maingay na paglipad ng isang eroplano. Matayog ang lipad nito. Matayog na matayog. Isang alaala muli ng aking kabataan ang biglang nagbalik. Naalala kong noon, kapag may dumaraang eroplano sa langit, kasama ng mga kalaro ko ay sabay-sabay kaming kumakaway at nagpapaalam dito. Isang pamamaalam na taglay ang pangako na isang araw ay magbabalik ito at sa pagkakataong yaon ay isasama niya at isasakay ako.


Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang kanina lamang ay nagmamayabang na liwanag. Hinihintay ko paring sana kahit ambon man lang ay biyayaan ako ng langit. Nahiga akong sandali at tulad ng lagi kong ginagawa kapag nababagot, umawit ako. Isang awit ng paghihimagsik. Isang awit ng pag-asa na sana ay marinig ng ulap ang dumadagundong kong tinig upang magalit ito, marindi, at mapundi, ng sa gayon ay magbuhos ito ng luha na kanina ko pa inaasam. Ngunit walang nangyari. Walang tumugon sa awit ko kundi mga ibong maya at ingay ng mga kuliglig. Sa kabila noon, nanatili ang katahimikan ng buong paligid.


Noong bata pa ako, wala akong kalayaang magpasya na maligo sa ulan. At alam kong sa bawat pagpupumilit kong magtampisaw ay pagagalitan ako ng aking mga magulang. Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan. Hanggang ngayon. Hanggang ngayong malaya na akong maligo kahit anong oras na bumuhos ang ulan. Ngayong wala ng makapipigil sa aking magtampisaw sa nakabibighani nitong tubig. Ngayong hindi ko na kailangan pang uminom ng isang basong tubig kapag nangangamoy alimuom. Ngayon pang malaki na ako at marunong ng magpasya para sa sarili, ngayon pa ako pinagtataguan ng ulan.


Sa kawalan ng pag-asa, nagpasya na akong pumasok sa aking silid. Malungkot ako. Malungkot na malungkot. Pakiramdam ko’y pinagkaitan ako ng mumunti kong kahilingan. Para akong isang batang nakalimutang bigyan ng regalo sa kanyang kaarawan. Sapagkat malalim na ang gabi, hindi ko na mapigilan ang tuluyang pagsakop sa akin ng isang dalisay na antok. Bukas ay maghihintay akong muli sa pagbisita ng ulan. Sana ay hindi na niya ako biguin. Sa pagkakataong iyon, nakatulog ako ng mahimbing. Mahimbing na mahimbing. Pakiramdam ko’y kinukumutan ako ng isang mapagarugang hangin. Hanggang magising ako isang tanghaling mataas na mataas na naman ang sikat ng haring araw.


Hindi ko man lamang namalayang umulan pala buong magdamag…


Thursday, July 10, 2008

Alam ko na Kung Bakit di ako naging si Superman!

"...Wala nang pagkakataong baguhin ang nakaraan. Kapag nangyari na, tapos na. Ang magagawa nalang natin ay ang magpatuloy at salubungin ang mga darating pang bukas. *sabay drama oh!...



Tuwing tinatamad akong kumilos para mag-trabaho, o kaya’y para mag-aral, o kaya’y gawin ang kahit ano pa mang bagay na kinatatamaran kong gawin, palagi kong iniisip na sana ako na lang si Superman. Mabilis kumilos, madaling makapunta kahit saan niya gustuhin sa isang kisap-mata lang. Walang imposibleng bagay para sa kanya.


Palagi kong iniisip na sana lumaki na lang ako katulad ni Clark Kent. Bata palang may super power na. Ang sarap siguro ng pakiramdam na kapag may ginusto kang isang bagay, nakukuha mo ito kaagad. Ang sarap sigurong kapag may natitipuhan kang babae, isang tingin lang ala superman, huli mo na agad ang puso ng iyong minamahal. Hehehe. Mga pangarap kong walang katuturan. Pero kahit ganun, alam kong kahit sino, nagnanais ng ganoong buhay, yung tipo bang sa isang kindat, isang kibot, isang ngiti, sa isang iglap, nasa kamay mo na ang lahat ng gusto mong mapa-sa iyo. Astig diba?


Minsan nga nangangarap akong sana isa na lang akong nilalang mula sa planetang Krypton. Sana naging kapalaran ko na lang ang ipadala sa mundo ng mga magulang ko para iligtas ito sa lahat ng kasamaan. Sana isang araw, madiskubre ko din ang kapangyarihang katutubo sa isang kryptonian na tulad ko. Masarap din sigurong lumipad. Ang lumibot sa buong mundo ng walang iniisip na pamasahe, bagahe, pagkain, hotel and accommodation, pati tour guide di mo na iisipin. Babalik ka na lang kung kailan mo gustuhin. Galing no? hehehe.


Nakuha ko lang ang lahat ng ito sa panonood ko ng Smallville, starring Tom Welling as Clark Kent. Wala eh, the best talaga ang TV series na yun. Umaga pa lang sabog na ang DVD player ko dahil maghapon kong panonoorin at kung minsan ay uulit-ulitin ang mga episodes nito. Pagkatapos kong manood, pakiramdam ko kayang-kaya ko nang gawin ang lahat ng ginagawa ni Clark. Ang iligtas ang mga tao sa mga meteor freak na walang alam gawin kundi ang maghasik ng kasamaan; ang tumakbo ng sampung milyong kilometro bawat segundo para puntahan si Lana Lang o Lois Lane kapag kailangan nila ng tulong, o kahit sino pa mang inaabuso ng masasama; ang magpa-cute sa mga chicks na patay na patay sa akin; ang matulog sa himpapawid kapag walang magawa.


Minsan nga kapag nakakakita ako ng mga ilaw na kulay green, o mga bagay na berde ang kulay tulad ng ding-ding, halaman, batong may lumot, pakiramdam ko nanglalambot ako ng husto, pakiramdam ko mga kryptonite ito na papatay sa akin. Ang superhero man ay may kahinaan din. *tawa…


Yan ang epekto sa akin ng panonood ko ng Smallville at iba pang mga action series tulad ng Kyle XY, Justice League, Heroes, Spiderman, at marami pang iba. Masarap din kasing minsan, lumayo sa tunay na daigdig at mangarap na sana isa ka na lang super hero. Marami kang matutulungan, marami kang magagawa na lampas lampasan sa kakayahan ng isang ordinaryong tao. Higit pa dito, maraming pagkakataon na mas magugustuhan ka ng tao dahil sa kabutihang pinamamalas mo kumpara sa pagiging isang ordinaryong nilalang. Diba yun naman talaga ang gusto nating lahat? Ang makatulong, ang matanggap ng lahat ng tao at magawa ang kahit na pinakamabigat ng bagay sa buong mundo. Astig talaga yun diba?


Isa sa mga pinaka-paborito kong episode ng Smallville na tumatak talaga sa akin ay yung pagkamatay ng tatay ni Clark. (di ko na maalala yung title ng episode basta yun na yun.) Anyway, ang nangyari, si Clark Kent, ipinagtapat na niya Kay Lana Lang (ang girlfriend niya for so many years bago nya ma-meet si Lois Lane) ang tunay niyang pagkatao, mula sa pagkakarooon niya ng fantastic na kapangyarihan, hanggang sa pagiging katutubo niya sa Planetang Krypton. Matagal na talaga niyang gusto sabihin yun kay Lana pero pinangunahan siya ng takot na baka hindi siya matanggap nito, pero kabaligtaran ang nangyari, natanggap lahat iyon ni Lana at nagpasya silang magpakasal pagkatapos. Pero ang nangyari, si Lana ay masyadong naging psychologically affected sa responsibilidad niyang itago ang malaking sikreto ng kanyang mahal kaya sa isang di inaasahang pagkakataon, naaksidente ito habang nagmamaneho. Sumabog ang sinasakyan nitong kotse.


Di ko malilimutan ang pag-iyak ni Clark nung episode na yun, apektadong-apektado ako. At oo, aaminin ko, umiyak ako. *tawa.


Sa pagkadesperado ni Clark, hiniling niya na sana mapihit niya pabalik ang oras para baguhin ang lahat-lahat. Mahirap ipaliwanag sa simpleng pagsulat kung bakit nangyaring bumalik ang panahon at nagawa niyang baguhin ang lahat-lahat ng pangyayari. Binigyan siya ng isang pagkakataon para ulitin ang nakaraan. Isang pagkakataon lang. Alam na niya sa bahaging iyon na ang katotohanang hinihiling ni Lana mula sa kanya, buhay ang magiging kapalit. Nabuhay ulit si Lana sa kwento, pero dahil nga sa hindi maaring ipagtapat ni Clark ang lahat, nagpasya itong makipaghiwalay na lang kahit gaano man kasakit.


Ang twist ng istorya, sa katapusan, isang buhay muli ang nawala at iyon ay ang buhay ng kanyang tatay. Inatake ito sa puso dahilan narin sa pagprotekta nito sa sikreto ng kanilang pamilya.


Syempre dahil sa isang pagkakataon lang ang binigay kay Clark, hindi na niya naibalik ulit ang nakaraan. Isa iyong malaking desisyon sa buhay ni Clark para pumili kung sino ba sa mga taong mahal niya ang pinaka-importante.


Isang bagay lang din ang tumatak sa utak ko, bawat gawin natin sa mundong ito ay may kalakip na responsibilidad. Bawat desisyong gagawin natin ay may kapalit na suliranin at ang mahirap dun, wala na tayong pagkakataong maibalik pa ang mga lumipas na. Wala nang pagkakataong baguhin ang nakaraan. Kapag nangyari na, tapos na. Ang magagawa nalang natin ay ang magpatuloy at salubungin ang mga darating pang bukas. *sabay drama oh!


Pero wala nang makakapagpabago pa sa pangarap kong maging superhero ala Superman. Pangarap lang naman yun eh, tatayugan ko na! Wala namang masama.


Saka alam ko na din kung bakit di ako pinili ng Diyos na maging si Superman. Alam Niya na kapag nangyari yun, di ko masyadong gagamitin yun para sa kapakanan ng lahat. Alam ko din sa sarili ko na totoo yun. Sa panahon ngayon, mas uunahin ko syempre ang sarili ko, pamilya ko, mga kaibigan ko, bago ang ibang tao. Di ako karapat-dapat sa ganoong kalaking responsibilidad. Si Clark Kent o Superman at yung mga iba pang superhero ay mga espesyal na tao. Tao sila, pero sila yung tipong malakas pa sa sinag ng araw ang paninindigan at determinasyon. Matapang pa sa hukbong sandatahan ng kahit anong bansa at higit sa lahat, bayani silang nabubuhay sa matatag na prinsipyo at integridad. At wala nang taong ganun sa mundo kaya wala ni isa man sa atin ang pwedeng maging superhero.


Kaya nga hanggang ngayon naniniwala akong hanggang TV series na lang at cartoons mananatiling buhay ang mga superheroes. Hindi sila magkakatotoo kahit kailan sa persona ng isang ordinaryong tao. Malabong mangyari yun. Salamat na lang sa mga lumikha sa kanila, kahit papano, naiisip kong tumulong sa nangangailangan at kinakawawa kahit sa pinaka-simpleng paraang kaya ko. TIngin ko mas astig yun sa lahat!


Monday, July 7, 2008

I don't want to have a baby yet!

Everyone was expecting me to have a baby!

Would it be too harsh for me to tell them that at this point in time,

It was too much of a burden for me.

Financially, I'm not that stable.

I don't even have a girlfriend.

And besides, I'm still young.

Young, youthful, naive.

Highly motivated by my dreams.

I'm focused.

I don't want to have a baby yet.

I don't want to have a baby yet.

Hell, no!

Not unless I'm provoked! hehehe.

Yeeehaaaw!

*sigh...