"...sa may paanan Niya, nakita ko ang tayog at ningning ng aking mga pangarap. Tama, sa may paanan Niya, doon ako magsisimula..."

Wednesday, May 21, 2008

Muni-Muni

Napadpad ang aking katauhan sa Baywalk. Umalis ako ng bahay upang magisip-isip, maglakad-lakad at magmuni-muni. Mula sa Cavite, sumakay ako ng tricycle, pumara ng bus, bumaba. Hindi ko namalayan bagamat gising ang aking diwa, nasa Maynila na pala ako.


Puno kasi ng mga katanungan ang aking isip. At tila naghahanap ito ng sagot sa aking mga katanungan sa buhay. Palubog na ang araw noon. Maraming tao. Kanya-kanyang galaw. Kanya-kanyang dahilan. Nilakad ko ang kahabaan ng Baywalk at sa bawat paghakbang ng aking tila walang kapagurang mga paa, iba't ibang tagpo sa buhay ko ang sumasagi sa aking gunita. At sa isang iglap, kahit paunti-unti, nabibigyan ng kasagutan ang bawat tanong.


Ngunit nga ba ako nag-iisa? Bakit nga ba ako naglalakad mag-isa? Bakit ako nagsosolo gayong hindi naman tipikal sa aking katauhan ang maging mapag-isa? Palagi akong may kasama, kakwentuhan at karamay.

Napaupo akong saglit sa may pampang. Nasaksihan ko ang paglubog ng haring araw. Napatungo ako at napaluha sa hindi ko rin malamang dahilan. Naisip kong kay sarap mabuhay. Alam kong may hihintayin akong bagong bukas.


Nagliwanag ang paligid sanhi ng mga ilaw. Makukulay at nagkikislapang mga ilaw. Lumikha ito ng sigla sa gabi. Umingay ang paligid. May isang buhay na umusbong matapos lumubog ang araw. Isa na namang panibagong pakikipagsapalaran.


Hindi ko namalayan ang mabilis na pagtakbo ng bawat sandali. Maghahating-gabi na. Nagpasya na akong umuwi. Kahit papaano'y maluwag na ang pakiramdam ko. Tila buo na muli ako...


Ngayon ay baon ko naman ang isang aral na aking natutunan at naging pilosopiya na ng aking buhay.

Masarap minsan ang mag-isa. Ang gawin ang nais saan man mapadpad. Masarap minsan ang lumayo sa buhay at sa problema upang mabigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo na huminga. Lumayo ng malayong malayo. Hanapin ang mundo sa dako pa roon.


Sa iyong pagbabalik, may magaganap na pagbabago.

No comments: