"...sa may paanan Niya, nakita ko ang tayog at ningning ng aking mga pangarap. Tama, sa may paanan Niya, doon ako magsisimula..."

Saturday, May 24, 2008

Ang Bayan kong Kalalakhan. (A Preface for the Literary Folio, "Longos")









“Butchoy, lilipat na tayo sa Cavite, doon na tayo titira…”

Kainitan ng buwan ng Marso noon nang lumipat kami ng bahay mula Mandaluyong patungong Cavite. Galit na galit ako noon dahil ayaw kong lumipat pa kami ng bahay. Basta ayaw ko lang. Gusto kong doon na lang kami habang-buhay. At isa pa, natatakot kasi ako na iwanan ang mga bagay na kinasanayan ko na at ang mga taong naging bahagi na ng aking buhay.


Ang simbahan kung saan ako nag-sakristan; ang kaibigan kong si Dong na lagi kong kasama; ang bahay naming binabaha kapag tag-ulan; ang una kong pag-ibig; ang paborito kong ginataang bilo-bilo na luto ni Lola Dilay; ang kwarto ko; at higit sa lahat, iiwanan ko doon ang aking kabataan at yayabong na sa isang bayang hindi ko naman kilala.


Madalas akong lumuwas noon papuntang Mandaluyong upang bumisita at muli ay balikan ang aking pinanggalingan. Habang-daan, nakasakay sa bus at nagmumuni-muni, madalas kong mausisa ang mga bagay sa nagkalat sa paligid ko.


Ang mga batang naglalaro ng basketbol sa isang eskinita sa daang Niog malapit sa Pan de Manila; ang mga ale at mamang nagbebenta ng talaba, tahong at alimasag sa gilid ng kalye ng Longos; ang mga tila lumulutang na bahay sa tabing-dagat papuntang coastal road; ang mabahong amoy ng mga nabubulok na ewan kung isda at iba pang laman dagat, o mga basura; at ang kalawakan ng dagat na nagsisilbing pinto papasok at palabas ng bayan ng Cavite.


Ito ba ang bayang aking kalalakhan?


Lahat tayo ay dumaraan sa isang malaking pagpapasya na maaaring makapagpabuti o makapagpasama sa atin. Tulad na lamang ng pagdedesisyon kung papayag ba tayong isiwalat ang ating sarili at ibunyag ang ating saloobin at pagkatao sa pamamagitan ng pagsusulat (na mas natutunan kong paunlarin mula ng lumipat ako ng Cavite).


Nakita kong muli ang aking sarili sa iba't-ibang katha ng mga kapwa ko kabataang nagbigay ng kanilang sarili para sa literary folio na ito. Natutunan kong lahat tayo ay iisa at maaring ang mga naranasan mo at naranasan ko ay magkakatulad, hindi man sa oras at panahon, maaari namang sa galaw ng mga pangyayari at daloy ng sitwasyon.


Isang magandang alaala at pangako ng imortalidad ang nais naming ihain sa mga naging bahagi ng aklat na ito. Gayunpaman, naniniwala kami na maisasakatuparan lamang ang lahat ng ito kung kami ay tatangkilikin din ng mga mambabasa tulad ng pagtangkilik kina Dr. Efren R. Abueg, Alejandro Abadilla, Teo S. Baylen, Dr. Lorenzo Paredes at marami pang ibang nangaunang manunulat ng Cavite. Nais naming maging kabilang sa kanila at maipamahagi sa buong bansa at sa mundo at aming pagkatao.


Anim na taon na ang nakararaan mula ng lumipat kami sa Cavite. Nasunog na ang Imus Institute ngunit naitayo nang muli; humaba na ang aking buhok hanggang balikat ngunit nagpakalbo akong muli; makailang ulit na akong umawit at pumiyok ngunit hanggang ngayo'y umaawit pa rin; nasanay na akong magbiyahe at maglabas-masok sa Cavite ngunit bumabalik parin ako sa bago naming bahay, hindi dahil sa wala na akong pagpipilian, kundi dahil natutunan ko nang mahalin ang bago kong bayan.


Lalabas ako at daraan sa Longos (ang pinto patungong bayan ng Cavite) patungo sa aking pinaggalingan, ngunit ngayon ay tiyak na ang aking pagbabalik at pag-ani ng karunungan mula sa mayaman nitong kultura at panitik dahil alam kong sa bawat pag-alis ko sa aking bagong bayan, taglay ko rin ang bagong kaalaman na maaari kong ibahagi sa aking pinaggalingan at iba pang lugar na pupuntahan.


”Butchoy, punta tayong Mandaluyong, bisitahin natin ang mga tita mo…”


“Ma, sila na lang ang pabisitahin mo dito…”

1 comment:

Anonymous said...

Isang paghanga sa iyong mga katha.

-Dalisay