"...sa may paanan Niya, nakita ko ang tayog at ningning ng aking mga pangarap. Tama, sa may paanan Niya, doon ako magsisimula..."

Wednesday, June 11, 2008

Home for the Aged (Edited, 2003)

Ayan na naman siya. Nakaupo sa bukana ng kanilang hardin na kung susuriin ay tila napaglipasan na ng panahon. Mapanglaw at namumugto na naman ang kanyang mga mata. Tangan na naman niyang muli ang rosaryong iyon na mula bukang-liwayway hanggang takipsilm ay kanyang dinarasalan.


Sa maraming ulit na pagkakataon, nasilayan ko na naman ang kristal na iyon. Kristal na simbolo ng siphayo at pagdurusang hatid sa kanya ng tadhana. Ang kristal na hanggang sa paghimbing ay kanyang dala-dala. Kristal na ang dulot sa kanya ay isang ala-ala ng galit at pagsusumpa sa isang taong kanyang inaruga, minahal, itinaguyod at iningatan. Isang taong handa niyang pag-alayan ng buhay at kaluluwa. Hindi niya inakalang sa lahat ng kanyang mga pinagkakatiwalaan, itong tao pang ito ang sa kanya’y mang-iwan. Ito ang kanyang nag-iisang anak.


Kasa-kasama niya ngayon ang mga tulad niyang ina na kapwa pinagkaitan ng karapatang maging bahagi ng isang buong pamilya. Tinanggalan ng karangalang maging isang biyenan o ang matawag na lola ng mga apo. Mahilab na katotohanang hinaharap nila sa pagkakataong may mahalagang okasyon sa kanilang buhay tulad ng Pasko, Bagong Taon, Araw ng mga Ina, at kanila mismong kaarawan.


Sa tuwing maaalala niya ang araw na inilagak siya ng kanyang anak sa lugar na iyon, nagbabalik ang sugat. Sa mismong harding kinauupuan niya naganap ang kanyang pagmamakaawang huwag siyang iwanan, na siya ay balikan. Umaalingawngaw pa sa kanyang diwa ang bawat kataga ng minamahal niyang anak, “hindi na kita kayang alagaan nay! Hindi na kita kayang pakainin, mas magiging mabuti buhay mo dito!”


Paulit-ulit ang kanyang pagsigaw. Isang pagmamakaawang siya ay kaawaan. Ang kanyang tinig ay naparam at naglaho sa kawalan ng pag-asa. Wala na siyang lakas pa. Nilamon na iyon ng kanyang katandaan. Binawi na ng panahon ang kanyang kabataan. Nanatili siyang tigagal sa sinapit na kapalaran. Hanggang sa natutunan nyang tanggapin ang mga sumunod pang mga taon niya sa lugar na iyon.


Nakita ko na namang haplos-haplos nya ang kristal na iyon. Tila isang kayamanang iniingatan na niya mula noon pa. Isang pagtataka sa aking isipan kung bakit sa tuwing nakikita kong bitbit nya ang kristal na iyon, ramdam ko ang sakit at galit sa kanyang puso. Ngunit marahil sa kadahilanang hindi maipagkakailang isa siyang ina, pilit paring nangingibabaw sa kanyang puso ang pag-ibig. Pag-ibig kasabay ang pag-asang muli, makakamit niya ang kalayaan, at malalasap ang pinananabikang yakap mula sa nag-iisa niyang anak. Isang pangarap ito na nais nyang matupad bago pa man lamang sumapit ang dapit-hapon ng kanyang buhay.


Ibayong lungkot sa tahanang kanyang kinasasadlakan sanhi ng katulad na pagdurusa. Araw-araw ay patuloy ang kanyang pagdarasal. Walang aliw sa puso ang isang matandang malapit nang mapagod. Sa pagkakataong iyon, ay nasilayan kong muli ang kanyang kristal na yaman.


Lumipas ang maraming panahon at ang paghihintay sa supling ng kanyang buhay ay nabaon sa limot. Ang pagmamahal ay nananatili ngunit ang pagtatampo ay namumutawi. Ayaw niyang pumanaw sa hapdi ng walang hanggang paghihintay sa isang taong alam niyang hindi na siya babalikan.


Ayan na naman siya. Nakaupo sa bukana ng kanilang hardin na kung susuriin ay tila napaglipasan na ng panahon. Mapanglaw at namumugto na naman ang kanyang mga mata. Tangan na naman niyang muli ang rosaryong iyon na mula bukang-liwayway hanggang takipsilm ay kanyang dinarasalan.


Dahan-dahan siyang umupo sa may halamanan tangan ang malungkot niyang larawan, kasabay ang patuloy na pagkinang ng kanyang kristal. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at sa pinakahuling pagkakataon, nakita kong muli ang kristal na iyon, nagmula sa kanyang mga mata, umagos sa kanyang pisngi, nagpatuloy sa mapuputla niyang mga labi. Isang singhal pa ng hininga ang aking nasilayan bago siya lubusang magpaalam.


Hindi na nagmulat pang muli ang kanyang mga mata. Marahil, huling paglanghap na niya iyon sa simoy ng hangin mula sa kanilang hardin. Pumanaw siyang hanggang sa huli ay naghihintay ng isang pagbabalik. Namayani ang katahimikan sa buong paligid.


Naparam ang buhay at naiwan ang katawan ng isang inang tunay na naghirap at nagdusa. Isang inang pinagkaitan ng kanyang karapatan. Isang inang hanggang sa huling sandali ay anak ang nasa gunita.


Ngayon naman ay sa langit siya maghihintay. Wala nang kristal. Wala nang luha. Sapagkat sa paraiso, ang tanging maiiwan sa kanya ay isang pag-asang puno ng katiyakan.