(...mga walang pakundangan, ginabi tuloy ako!)
Habang-daan patungong Baclaran, nausisa ko ang mga taong nakatambay at nagkukumpulan sa kanto sa daang Longos palabas ng Cavite. Sapagkat naipit na naman ako sa masikip na trapiko, nagkaroon ako ng pagkakataong mamasdan ang kanilang pinagkakaabalahan.
Hindi ko mawari kung anong ekspresyon ang namumutawi sa mga taong nakakasaksi sa mga pangyayari ngunit sa diwa ko'y mauulinig na ito ay isang pambihirang pangyayari.
Sa gitna ng maalinsangang panahon, nagsimulang umingay ang paligid at dumami ang mga nakiki-isyoso sa nagkakagulong kumpulan ng mga tambay. Naging sanhi narin ito ng lalong pagsisikip ng trapiko na mas nakapagpabagal sa oras na kanina ko pa hinahabol.
Habang ang jeep na sinasakyan ko ay tila walang kamalay-malay sa mga nangayayari at patuloy ang pagtugtog ng nakabibingi nitong musika, napansin kong ang ilan sa mga pasahero ay nagpasya nang bumaba at maglakad na lamang pauwi ng kanilang bahay. Dama ko ang bawat patak ng butil ng pawis na tumatagaktak sa aking mainit na mukha.
Nagpatuloy akong magmasid sa paligid. Ang bawat isa'y may kanya-kanyang opinyon sa kaguluhang nagaganap. Ang bawat isa ay may sariling teorya sa kung ano ang nangyayari at kung ano nga ba ang mayroon. Mas tumindi ang ingay sa paligid. Nakabibinging busina, nakabibinging usapan, nakaririnding sigawan. Pakiramdam ko'y bigla akong umusbong sa isang mundong hindi ko naman kilala.
Marahil likas na sa akin ang pagiging tsismoso kaya't hindi ko napigilang mag-usisa. Nagpasya narin akong bumaba at lumapit sa nagkukumpulang mga tambay sa kanto.
"Manong, ano pong meron? Grabe trapik! Bakit po sila nagkakagulo at nagsisigawan?" Tanong ko sa isang mamang bungal na may hawak na toothpick.
"Si Kris Aquino, nagshu-shooting!"
"Aaaaarrrghhhh!"