"Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan."
Ilang oras ko ring hinintay na bumuhos ang ulan ngayong araw. Pero kahit isang patak, walang bumagsak mula sa ulap. Makulimlim ang paligid, malakas ang ihip ng hangin, malamig ang panahon ngunit hindi man lang ako nakaramdam ng pagbuhos ng ulan. Tila dinaya ako ng panahon na sa kabila ng kakapalan ng mga ulap sa himpapawid, hindi lumuha ang langit. Marahil nasanay narin ito sa malusog na pagsikat ng araw tuwing tanghali.
Paborito ko ang tag-ulan. Sa lahat ng panahon na maaaring dumating sa ating mundo, palagi kong ninanais na pumatak ang ulan lalo na kapag sumasapit ang dapit-hapon. Masaya ako kapag umuulan. Nais kong maligo at magtampisaw sa malamig nitong tubig. Nais kong kumawala sa init ng nagdaang araw, isang pagbabanlaw sa lahat ng pagod at hirap mula sa matinding sikat ng haring liwanag. Ibinabalik nito ang aking kabataang araw-araw ay nais kong balikan. Ang ulan para sa akin ay isang katuparan ng pinakaaasam na kahinahunan ng mundong aking ginagalawan. Isang paghuhugas sa mga alinlangang nadarama ko sa kabila ng kabutihang idinudulot sa akin ng buhay.
Inabot ako ng dilim sa pag-asang kahit papano ay magpaparamdam ang ulan. Tumingala ako sa langit, pinakiramdaman ng dalawa kong kamay kung may papatak na tubig mula sa itaas, ngunit sa halip, sumagi sa paningin ko ang nagliliwanag na buwan. Bilog ito. Bilog na bilog. Natatabunan ito kapagdaka ng mumunting ulap na tila nagpapapansin at nagsasabing huwag na akong umasa sa pagpatak ng ulan, sapagkat bukas ay matinding init ang mararanasan ko na naman. Napangiti ako. Napatawa. Bakit ko ba kinakausap ang ulap? Maaawa kaya ito sa akin kapag nakiusap akong sana ay umulan ngayong gabi?
Napatungo akong bigla at nagbuntong-hininga. Nagsindi ng sigarilyo. Hitit sabay buga pampatanggal ng inip na kanina pa sumusukob sa akin. Ilang sandali pa’y naubos ko na ang tangan kong pansunog-baga. Nagmasid akong muli sa tahimik na paligid. Maya-maya pa ay napaling naman ang pansin ko sa maingay na paglipad ng isang eroplano. Matayog ang lipad nito. Matayog na matayog. Isang alaala muli ng aking kabataan ang biglang nagbalik. Naalala kong noon, kapag may dumaraang eroplano sa langit, kasama ng mga kalaro ko ay sabay-sabay kaming kumakaway at nagpapaalam dito. Isang pamamaalam na taglay ang pangako na isang araw ay magbabalik ito at sa pagkakataong yaon ay isasama niya at isasakay ako.
Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang kanina lamang ay nagmamayabang na liwanag. Hinihintay ko paring sana kahit ambon man lang ay biyayaan ako ng langit. Nahiga akong sandali at tulad ng lagi kong ginagawa kapag nababagot, umawit ako. Isang awit ng paghihimagsik. Isang awit ng pag-asa na sana ay marinig ng ulap ang dumadagundong kong tinig upang magalit ito, marindi, at mapundi, ng sa gayon ay magbuhos ito ng luha na kanina ko pa inaasam. Ngunit walang nangyari. Walang tumugon sa awit ko kundi mga ibong maya at ingay ng mga kuliglig. Sa kabila noon, nanatili ang katahimikan ng buong paligid.
Noong bata pa ako, wala akong kalayaang magpasya na maligo sa ulan. At alam kong sa bawat pagpupumilit kong magtampisaw ay pagagalitan ako ng aking mga magulang. Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan. Hanggang ngayon. Hanggang ngayong malaya na akong maligo kahit anong oras na bumuhos ang ulan. Ngayong wala ng makapipigil sa aking magtampisaw sa nakabibighani nitong tubig. Ngayong hindi ko na kailangan pang uminom ng isang basong tubig kapag nangangamoy alimuom. Ngayon pang malaki na ako at marunong ng magpasya para sa sarili, ngayon pa ako pinagtataguan ng ulan.
Sa kawalan ng pag-asa, nagpasya na akong pumasok sa aking silid. Malungkot ako. Malungkot na malungkot. Pakiramdam ko’y pinagkaitan ako ng mumunti kong kahilingan. Para akong isang batang nakalimutang bigyan ng regalo sa kanyang kaarawan. Sapagkat malalim na ang gabi, hindi ko na mapigilan ang tuluyang pagsakop sa akin ng isang dalisay na antok. Bukas ay maghihintay akong muli sa pagbisita ng ulan. Sana ay hindi na niya ako biguin. Sa pagkakataong iyon, nakatulog ako ng mahimbing. Mahimbing na mahimbing. Pakiramdam ko’y kinukumutan ako ng isang mapagarugang hangin. Hanggang magising ako isang tanghaling mataas na mataas na naman ang sikat ng haring araw.
Hindi ko man lamang namalayang umulan pala buong magdamag…
No comments:
Post a Comment