"...sa may paanan Niya, nakita ko ang tayog at ningning ng aking mga pangarap. Tama, sa may paanan Niya, doon ako magsisimula..."

Friday, July 18, 2008

Holdaper de Puta

(PAUNAWA SA MGA BABASA: ang kwentong ito ay R-18 dahil sa sandamakmak na pag-gamit ng author ng mga masasamang salita at abot-impyernong pagmumura upang mailabas ang kanyang damdamin sa isang karanasang ayaw na niyang maulit. Patnubay ng magulang ay kailangan.)


"...Gigil na gigil na gigil hanggang sa mabitiwan nya ako. Kita ko ang dugo sa braso ng mamang demonyo, habang ramdam ko din naman lasa ng pawis, libag, at dugo nya sa bawat hibla ng mga ngipin ko..."



Isang araw, bandang alas singko ng hapon, huwebes iyon tandang-tanda ko pa, papunta ako sa opisina, ang daan ko ay Baclaran patungong Makati, eksaktong pagbaba ko ng bus sa palengke ng putang-inang Baclaran na yan, isang malaking mamang amo’y putok ang biglang humila at sumakal sa akin. Pinipilit niyang kunin ang noo’y hawak-hawak kong cellphone. Kasama niya ang isang puki ng inang lalaking mukhang pinilipit na kulangot ang mukha na siya namang paulit-ulit na sumusuntok sa mukha ko para lang mabitiwan ko ang aking telepono.


Syempre, unang reaksyon ko ay ang manlaban, kahit hindi ako makagalaw sa pagkakahawak sa akin ng anak ng imburnal na lalaking iyon, pinilit kong gumalaw at sumigaw. Ewan ko ba pero sa bawat sigaw ko at paghingi ng tulong, isang sapak sa mukha ang inaabot ko.


Ayokong maging bida sa kwento kong ito, pero totoo, hindi ko binitiwan ang dala kong cellphone. Hindi ko nga halos naramdaman ang mga suntok sa akin eh. Basta ang alam ko, hindi ko bibitiwan ang cellphone ko at sisigaw ako na sana ay may tumulong sa akin. Pero wala.


Habang hawak ako ng mamang mukhang hasang at pilit na nanlalaban, naramdaman kong humapdi ang leeg ko. Dumudulas ang pagkakakapit nya sa akin. Maya-maya’y naramdaman kong dugo ko na pala iyon. Mahirap ipaliwanag kung bakit hindi ko nararamdaman ang sakit ng paghiwa niya ng sugat sa leeg ko kaya isisisi ko na lang ang lahat ng iyon sa aking adrenalin gland. Ayun, hawak-hawak ko parin ang cellphone ko.


Napansin kong may isang ale naman na nakakasaksi sa nangyayari sa akin. Siguro wala pang dalawang metro ang layo nya sa amin ng mga hinayupak na holdaper na yun. Kita ko siya mula sa kinatatayuan ko habang sinasakal ako ng kaputa-putahang lalaking iyon. Alam ko gusto niyang tumulong pero alam ko ding wala siyang magawa. Ayun, nanood lang siya, musta naman yun?


“…tama na yan hoy! Tama na yan!…” sigaw ng mga nakakakita sa dalawang demonyong mama.


“…ibigay mo na kasi yang cellphone mo, gago!” naririnig kong sigaw mula sa maraming kumpulan.


Oo, madaming tao sa paligid ko. Uulitin ko lang po, nasa Baclaran ako noon, alas singko ng hapon at malinaw pa sa alaala ko kung gaano karami ang tao sa putang-inang Baclaran na yan noong mga oras na iyon. Pero hayun ako, pinagtutulungan ng dalawang mamang mal-edukado, filibustero, hayop, demonyo, inutil, primitibo, tarantado, tonta, at lahat na, habang ang publiko, naroroon at parang nanonood lang ng shooting! *Heavy!


At alam mo ba kung saang banda sa Baclaran nangyari ang lahat?


Doon mismo sa tapat ng istasyon ng mga walang kwentang MMDA officers na yan! Anak ng kulani talaga oh. Naisip ko tuloy, siguro nagkukubra ng pera ang mga holdaper na yan sa kanila kaya wala silang pakialam kahit sino ang mabiktima. Wala talagang kwenta ang ilang mga sistema natin dito sa bansa. Letche talaga!


Ayun na nga, siguro kahit papano sinuwerte parin ako nung araw na yun, ewan ko ba pero pakiramdam ko, hindi pa talaga ako mamamatay nung araw na yun eh. Sandamakmak na sapak na ang inabot ko pero matinag parin ang pagkakahawak ko sa cellphone ko. Nakagalaw ako ng konti dahil nga medyo madulas na ang pagkakahawak ng mamang mukhang tae sa leeg ko dahil sa dugo.


Nagkaroon ako ng pagkakataong kagatin ng sabik na sabik na sabik ang braso ng mamang sumasakal sa akin. Gigil na gigil na gigil hanggang sa mabitiwan nya ako. Kita ko ang dugo sa braso ng mamang demonyo, habang ramdam ko din naman ang lasa ng pawis, libag, at dugo nya sa bawat hibla ng mga ngipin ko. Sabay hampas ng bag kong dala-dala sa isa pang putang-inang mamang nakarami rin ng suntok sa akin.


“…putang ina nyo, gago!!!!...” ang sigaw kong may paghihimagsik!


Sabay ang pagtakbo ko ng matulin papunta sa sakayan ng bus.…


”hala sige, magtext ka pa!” narinig kong sigaw ng isang lalaki mula sa nagdaraang bus habang tumatakbo ako palayo.


“…putang ina mo!” ganti ko naman sa kanya sa sobrang pikon ko na.


Siguro dahil madami naring nakiki-isyoso, nagdalawang isip na ang dalawang puke ng inang lalaking iyon na habulin pa ako. Nang maramdaman kong sapat na ang layo ko para abutan pa ng mga demonyo, tumigil ako at nagpahinga. Saka ko lang naramdaman ang pagod. Nagmasid ako sa paligid. Pakiramdam ko lahat ng tao, nakatingin parin at tumatawa sa akin.


Bakit nga ba hindi ko na lang binigay ang cellphone ko? Mas madali naman yon kesa suungin ang nga suntok. E bakit nga ba? Naisip ko nga rin, siguro, isang maling galaw ko lang din, pwedeng magbago ang kapalaran ko at patayin ako ng mga di ko naman kakilalang tao. Sayang naman ang buhay.


Matagal ko ring inisip ang pangyayaring iyon. Paano nga kaya kung napatay nila ako dahil lang sa cellphone? Kasing-halaga lang ba nito ang buhay ko? Ang cheap! Hahaha! Sabi ko, di ko nalang uulitin pag nangyari ulit yun, pero wag naman na sana.


Parehong araw, nagreport parin ako sa trabaho. Parang walang nangyari. Di ako umabsent.


Kinuwento ko sa mga ka-officemates ko. Nalaman ng mga kaibigan ko. Nalaman ng nanay at tatay ko.


Nakakatawa pero lahat sila iisa lang ang reaksyon. Iisa lang ang nasabi: “…ang tanga-tanga mo, sana binigay mo na lang yung cellphone…”


(…sana man lang tinanong nila kung nasaktan ba ako diba? *heavy! Hahaha.)


Natutunan ko na ang lessons ko. Nasa akin pa rin ang cellphone ko. Hindi naman ako na-comatose. Hindi din naman ako nasaksak. Buhay pa ako. At siyempre, pinagpapasalamat ko yun.


Sa ngayon, siyempre, mas naging maingat na ako sa bawat kilos ko, lalo pa at nasa mataong lugar ako. Mahirap nang maulit ang kalbaryong iyon. Ang sakit kayang masapak! Okey sana kung may pagkakataon akong lumaban ng patas, at least yun, makakaganti ako ng sapak kahit papano. Madami na talaga tuso sa panahon ngayon, ni hindi mo alam kung sino sila. Di naman natin alam kung sino ang dapat sisihin. Syempre, ang lahat ng bunton, sa isang tao lang mapupunta.


Siyempre, ang sisisihin ay ang biktima, di kasi nag-iingat! Ganun na ba talaga ngayon?


Noon mismong oras na yun, siguro isang bagay lang din ang nasa isip ko; na madami nang masasamang tao sa mundong ito, madaming-madami, ...at sa pagkakataong iyon, ayokong maging isa sa mga biktima nila…


Thursday, July 17, 2008

Bienthoughts Supports Bloggers Mini-EB

Gusto ko pumunta sa event na ito, makilala ko man lang ang mga kapanaligan kong bloggers! Sana may pagkakataon akong makapunta, July 27, 2008, Sunday around 7pm.

Yung mga gustong pumunta din at makihalu-bilo sa mga blagistang ito, mangyaring bisitahin na lamang ang blogsite ni
McBilly.

Here are the details:

Bloggers Mini-EB

Where: SM Megamall
When: July 27, 2008 (Sunday)
Time: 7pm (Just in time for dinner)

May espesyal na papremyo, sige, bisitahin na ang site ni McBilliy.

Wednesday, July 16, 2008

Imbisibol Monologue


“Minsan naisip ko na umalis na lang dito. Kalimutan nang lahat, lumipad, lumayo…”

-Hallelujah, Bamboo


Perfect! Exactly yan ang gusto kong gawin ngayon. Lumipad, lumayo nang malayong-malayo. Tumakas sa mga responsibilidad sa buhay. Kalimutan ang lahat ng pangit na nangyari sa buhay ko mula sa simula. Ang maging mag-isa pansamantala, manahimik, magkubli sa kawalan, magsulat ng magsulat, mag-yosi ng mag-yosi, at kumain ng kumain! Sana nga lang madaling gawin ang lahat ng ito. Pero hinde! Malabo. Lalo pa ngayon, ang dami kong bayaring bills! Hehehe!


Naisip ko lang, ano kaya mangyayari kung sakali ngayon, bigla akong maglaho na parang bula? (hindi naman yung mamamatay ako, yung maglalaho lang, mawawala, magiging-invisible ba?) Ano kaya ang magiging reaksyong ng mga taong nagmamahal sa akin, kung meron man? Mami-miss kaya ako ng mga so-called friends ko? O nang pamilya ko? Ano kaya ang mga magagandang bagay ang masasabi nila tungkol sa akin? O ang mga masasamang bagay na maipupukol nila sa pagkatao ko? Madami kaya? Kaunti kaya? O baka naman wala? Hahaha! Wala lang, naisip ko lang. Alam kong ito rin ang magiging tanong niyo kung sakali mang kayo ang maglalaho na parang bula.


Lahat naman tayo gustong malaman kung gaano tayo kahalaga para sa mga taong mahal natin eh. Lahat tayo gustong makita kung papaano sila mag-rereact kapag isang araw bigla nalang tayong mawala. Oo, alam ko lahat tayo, kahit isang beses lang sa buhay natin, naisip na din ang mga ganitong bagay.


Pero, wala lang. Sana lang din, ako sa sarili ko, matutunan kong ipakita din sa kanila na mahalaga sila sa akin. *drama na naman! Hehehe! Eto na, sige na, di naman kasi ako showy talaga eh. Tahimik lang ako sa personal. Sa panulat lang ako madaldal. Sa gawa ako magaling. Ang problema lang, hindi ko alam kung nararamdaman ba nila yun. I’m insensitive in a way. Basta alam ko, pagdating sa pamilya ko, magbibigay ako ng pang-grocery, pambayad sa kuryente, tubig, bills, pasalubong. Pag may extrang pera, sige, bibilhan ko ng bagong damit, bagong gamit, minsan syempre dagdag na baon para sa mga kapatid ko. Yun lang. Pero, pagdating sa mga emosyonal at sikolohikal na bagay, hindi talaga ako maka-relate. Hindi ako affectionate na tao eh lalo na pagdating sa kanila. Mas komportable akong kausapin at komprontahin ang mga kaibigan ko. Basta ganun lang ang buhay ko.


Matatawag bang malungkot at madrama yon? Di naman diba? Siguro may mga tao lang talagang ganito. At ako yun. Nakakatuwa sigurong malaman na may mga taong katulad ko rin sa mundo. At least, malalaman kong hindi parin pala ako nag-iisa.



(*bakit ba life story ko bigla ang naisulat ko? Dapat tungkol ito sa isang babaeng malaki ang bunganga eh. Di bale, next post na lang. Abangan nyo. Hahahaha!)


Monday, July 14, 2008

Rain Obsession (Repost, dahil tag-ulan ngayon...)


"Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan."


Ilang oras ko ring hinintay na bumuhos ang ulan ngayong araw. Pero kahit isang patak, walang bumagsak mula sa ulap. Makulimlim ang paligid, malakas ang ihip ng hangin, malamig ang panahon ngunit hindi man lang ako nakaramdam ng pagbuhos ng ulan. Tila dinaya ako ng panahon na sa kabila ng kakapalan ng mga ulap sa himpapawid, hindi lumuha ang langit. Marahil nasanay narin ito sa malusog na pagsikat ng araw tuwing tanghali.


Paborito ko ang tag-ulan. Sa lahat ng panahon na maaaring dumating sa ating mundo, palagi kong ninanais na pumatak ang ulan lalo na kapag sumasapit ang dapit-hapon. Masaya ako kapag umuulan. Nais kong maligo at magtampisaw sa malamig nitong tubig. Nais kong kumawala sa init ng nagdaang araw, isang pagbabanlaw sa lahat ng pagod at hirap mula sa matinding sikat ng haring liwanag. Ibinabalik nito ang aking kabataang araw-araw ay nais kong balikan. Ang ulan para sa akin ay isang katuparan ng pinakaaasam na kahinahunan ng mundong aking ginagalawan. Isang paghuhugas sa mga alinlangang nadarama ko sa kabila ng kabutihang idinudulot sa akin ng buhay.


Inabot ako ng dilim sa pag-asang kahit papano ay magpaparamdam ang ulan. Tumingala ako sa langit, pinakiramdaman ng dalawa kong kamay kung may papatak na tubig mula sa itaas, ngunit sa halip, sumagi sa paningin ko ang nagliliwanag na buwan. Bilog ito. Bilog na bilog. Natatabunan ito kapagdaka ng mumunting ulap na tila nagpapapansin at nagsasabing huwag na akong umasa sa pagpatak ng ulan, sapagkat bukas ay matinding init ang mararanasan ko na naman. Napangiti ako. Napatawa. Bakit ko ba kinakausap ang ulap? Maaawa kaya ito sa akin kapag nakiusap akong sana ay umulan ngayong gabi?


Napatungo akong bigla at nagbuntong-hininga. Nagsindi ng sigarilyo. Hitit sabay buga pampatanggal ng inip na kanina pa sumusukob sa akin. Ilang sandali pa’y naubos ko na ang tangan kong pansunog-baga. Nagmasid akong muli sa tahimik na paligid. Maya-maya pa ay napaling naman ang pansin ko sa maingay na paglipad ng isang eroplano. Matayog ang lipad nito. Matayog na matayog. Isang alaala muli ng aking kabataan ang biglang nagbalik. Naalala kong noon, kapag may dumaraang eroplano sa langit, kasama ng mga kalaro ko ay sabay-sabay kaming kumakaway at nagpapaalam dito. Isang pamamaalam na taglay ang pangako na isang araw ay magbabalik ito at sa pagkakataong yaon ay isasama niya at isasakay ako.


Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang kanina lamang ay nagmamayabang na liwanag. Hinihintay ko paring sana kahit ambon man lang ay biyayaan ako ng langit. Nahiga akong sandali at tulad ng lagi kong ginagawa kapag nababagot, umawit ako. Isang awit ng paghihimagsik. Isang awit ng pag-asa na sana ay marinig ng ulap ang dumadagundong kong tinig upang magalit ito, marindi, at mapundi, ng sa gayon ay magbuhos ito ng luha na kanina ko pa inaasam. Ngunit walang nangyari. Walang tumugon sa awit ko kundi mga ibong maya at ingay ng mga kuliglig. Sa kabila noon, nanatili ang katahimikan ng buong paligid.


Noong bata pa ako, wala akong kalayaang magpasya na maligo sa ulan. At alam kong sa bawat pagpupumilit kong magtampisaw ay pagagalitan ako ng aking mga magulang. Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pag-buhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan. Hanggang ngayon. Hanggang ngayong malaya na akong maligo kahit anong oras na bumuhos ang ulan. Ngayong wala ng makapipigil sa aking magtampisaw sa nakabibighani nitong tubig. Ngayong hindi ko na kailangan pang uminom ng isang basong tubig kapag nangangamoy alimuom. Ngayon pang malaki na ako at marunong ng magpasya para sa sarili, ngayon pa ako pinagtataguan ng ulan.


Sa kawalan ng pag-asa, nagpasya na akong pumasok sa aking silid. Malungkot ako. Malungkot na malungkot. Pakiramdam ko’y pinagkaitan ako ng mumunti kong kahilingan. Para akong isang batang nakalimutang bigyan ng regalo sa kanyang kaarawan. Sapagkat malalim na ang gabi, hindi ko na mapigilan ang tuluyang pagsakop sa akin ng isang dalisay na antok. Bukas ay maghihintay akong muli sa pagbisita ng ulan. Sana ay hindi na niya ako biguin. Sa pagkakataong iyon, nakatulog ako ng mahimbing. Mahimbing na mahimbing. Pakiramdam ko’y kinukumutan ako ng isang mapagarugang hangin. Hanggang magising ako isang tanghaling mataas na mataas na naman ang sikat ng haring araw.


Hindi ko man lamang namalayang umulan pala buong magdamag…