"...sa may paanan Niya, nakita ko ang tayog at ningning ng aking mga pangarap. Tama, sa may paanan Niya, doon ako magsisimula..."

Wednesday, September 17, 2008

Alam ko na kung bakit hindi ako naging si Superman! (repost)

"...Wala nang pagkakataong baguhin ang nakaraan. Kapag nangyari na, tapos na. Ang magagawa nalang natin ay ang magpatuloy at salubungin ang mga darating pang bukas. *sabay drama oh!..."



Tuwing tinatamad akong kumilos para mag-trabaho, o kaya’y para mag-aral, o kaya’y gawin ang kahit ano pa mang bagay na kinatatamaran kong gawin, palagi kong iniisip na sana ako na lang si Superman. Mabilis kumilos, madaling makapunta kahit saan niya gustuhin sa isang kisap-mata lang. Walang imposibleng bagay para sa kanya.


Palagi kong iniisip na sana lumaki na lang ako katulad ni Clark Kent. Bata palang may super power na. Ang sarap siguro ng pakiramdam na kapag may ginusto kang isang bagay, nakukuha mo ito kaagad. Ang sarap sigurong kapag may natitipuhan kang babae, isang tingin lang ala superman, huli mo na agad ang puso ng iyong minamahal. Hehehe. Mga pangarap kong walang katuturan. Pero kahit ganun, alam kong kahit sino, nagnanais ng ganoong buhay, yung tipo bang sa isang kindat, isang kibot, isang ngiti, sa isang iglap, nasa kamay mo na ang lahat ng gusto mong mapa-sa iyo. Astig diba?


Minsan nga nangangarap akong sana isa na lang akong nilalang mula sa planetang Krypton. Sana naging kapalaran ko na lang ang ipadala sa mundo ng mga magulang ko para iligtas ito sa lahat ng kasamaan. Sana isang araw, madiskubre ko din ang kapangyarihang katutubo sa isang kryptonian na tulad ko. Masarap din sigurong lumipad. Ang lumibot sa buong mundo ng walang iniisip na pamasahe, bagahe, pagkain, hotel and accommodation, pati tour guide di mo na iisipin. Babalik ka na lang kung kailan mo gustuhin. Galing no? hehehe.


Nakuha ko lang ang lahat ng ito sa panonood ko ng Smallville, starring Tom Welling as Clark Kent. Wala eh, the best talaga ang TV series na yun. Umaga pa lang sabog na ang DVD player ko dahil maghapon kong panonoorin at kung minsan ay uulit-ulitin ang mga episodes nito. Pagkatapos kong manood, pakiramdam ko kayang-kaya ko nang gawin ang lahat ng ginagawa ni Clark. Ang iligtas ang mga tao sa mga meteor freak na walang alam gawin kundi ang maghasik ng kasamaan; ang tumakbo ng sampung milyong kilometro bawat segundo para puntahan si Lana Lang o Lois Lane kapag kailangan nila ng tulong, o kahit sino pa mang inaabuso ng masasama; ang magpa-cute sa mga chicks na patay na patay sa akin; ang matulog sa himpapawid kapag walang magawa.


Minsan nga kapag nakakakita ako ng mga ilaw na kulay green, o mga bagay na berde ang kulay tulad ng ding-ding, halaman, batong may lumot, pakiramdam ko nanglalambot ako ng husto, pakiramdam ko mga kryptonite ito na papatay sa akin. Ang superhero man ay may kahinaan din. *tawa…


Yan ang epekto sa akin ng panonood ko ng Smallville at iba pang mga action series tulad ng Kyle XY, Justice League, Heroes, Spiderman, at marami pang iba. Masarap din kasing minsan, lumayo sa tunay na daigdig at mangarap na sana isa ka na lang super hero. Marami kang matutulungan, marami kang magagawa na lampas lampasan sa kakayahan ng isang ordinaryong tao. Higit pa dito, maraming pagkakataon na mas magugustuhan ka ng tao dahil sa kabutihang pinamamalas mo kumpara sa pagiging isang ordinaryong nilalang. Diba yun naman talaga ang gusto nating lahat? Ang makatulong, ang matanggap ng lahat ng tao at magawa ang kahit na pinakamabigat ng bagay sa buong mundo. Astig talaga yun diba?


Isa sa mga pinaka-paborito kong episode ng Smallville na tumatak talaga sa akin ay yung pagkamatay ng tatay ni Clark. (di ko na maalala yung title ng episode basta yun na yun.) Anyway, ang nangyari, si Clark Kent, ipinagtapat na niya Kay Lana Lang (ang girlfriend niya for so many years bago nya ma-meet si Lois Lane) ang tunay niyang pagkatao, mula sa pagkakarooon niya ng fantastic na kapangyarihan, hanggang sa pagiging katutubo niya sa Planetang Krypton. Matagal na talaga niyang gusto sabihin yun kay Lana pero pinangunahan siya ng takot na baka hindi siya matanggap nito, pero kabaligtaran ang nangyari, natanggap lahat iyon ni Lana at nagpasya silang magpakasal pagkatapos. Pero ang nangyari, si Lana ay masyadong naging psychologically affected sa responsibilidad niyang itago ang malaking sikreto ng kanyang mahal kaya sa isang di inaasahang pagkakataon, naaksidente ito habang nagmamaneho. Sumabog ang sinasakyan nitong kotse.


Di ko malilimutan ang pag-iyak ni Clark nung episode na yun, apektadong-apektado ako. At oo, aaminin ko, umiyak ako. *tawa.


Sa pagkadesperado ni Clark, hiniling niya na sana mapihit niya pabalik ang oras para baguhin ang lahat-lahat. Mahirap ipaliwanag sa simpleng pagsulat kung bakit nangyaring bumalik ang panahon at nagawa niyang baguhin ang lahat-lahat ng pangyayari. Binigyan siya ng isang pagkakataon para ulitin ang nakaraan. Isang pagkakataon lang. Alam na niya sa bahaging iyon na ang katotohanang hinihiling ni Lana mula sa kanya, buhay ang magiging kapalit. Nabuhay ulit si Lana sa kwento, pero dahil nga sa hindi maaring ipagtapat ni Clark ang lahat, nagpasya itong makipaghiwalay na lang kahit gaano man kasakit.


Ang twist ng istorya, sa katapusan, isang buhay muli ang nawala at iyon ay ang buhay ng kanyang tatay. Inatake ito sa puso dahilan narin sa pagprotekta nito sa sikreto ng kanilang pamilya.


Syempre dahil sa isang pagkakataon lang ang binigay kay Clark, hindi na niya naibalik ulit ang nakaraan. Isa iyong malaking desisyon sa buhay ni Clark para pumili kung sino ba sa mga taong mahal niya ang pinaka-importante.


Isang bagay lang din ang tumatak sa utak ko, bawat gawin natin sa mundong ito ay may kalakip na responsibilidad. Bawat desisyong gagawin natin ay may kapalit na suliranin at ang mahirap dun, wala na tayong pagkakataong maibalik pa ang mga lumipas na. Wala nang pagkakataong baguhin ang nakaraan. Kapag nangyari na, tapos na. Ang magagawa nalang natin ay ang magpatuloy at salubungin ang mga darating pang bukas. *sabay drama oh!


Pero wala nang makakapagpabago pa sa pangarap kong maging superhero ala Superman. Pangarap lang naman yun eh, tatayugan ko na! Wala namang masama.


Saka alam ko na din kung bakit di ako pinili ng Diyos na maging si Superman. Alam Niya na kapag nangyari yun, di ko masyadong gagamitin yun para sa kapakanan ng lahat. Alam ko din sa sarili ko na totoo yun. Sa panahon ngayon, mas uunahin ko syempre ang sarili ko, pamilya ko, mga kaibigan ko, bago ang ibang tao. Di ako karapat-dapat sa ganoong kalaking responsibilidad. Si Clark Kent o Superman at yung mga iba pang superhero ay mga espesyal na tao. Tao sila, pero sila yung tipong malakas pa sa sinag ng araw ang paninindigan at determinasyon. Matapang pa sa hukbong sandatahan ng kahit anong bansa at higit sa lahat, bayani silang nabubuhay sa matatag na prinsipyo at integridad. At wala nang taong ganun sa mundo kaya wala ni isa man sa atin ang pwedeng maging superhero.


Kaya nga hanggang ngayon naniniwala akong hanggang TV series na lang at cartoons mananatiling buhay ang mga superheroes. Hindi sila magkakatotoo kahit kailan sa persona ng isang ordinaryong tao. Malabong mangyari yun. Salamat na lang sa mga lumikha sa kanila, kahit papano, naiisip kong tumulong sa nangangailangan at kinakawawa kahit sa pinaka-simpleng paraang kaya ko. TIngin ko mas astig yun sa lahat!





2 comments:

Mar C. said...

nononood ka din ba ng LOST? ganda din nun...hehe

paperdoll said...

hanep sa utak. . pahingi nga nyan!